Tuesday, March 3, 2009

LILA (Hango sa Tunay na Karanasan)

"Ang kwentong ibabahagi ko ay hango sa tunay na buhay o karanasan ng isang babaeng tatawagin natin sa ngalang Lila. Naantig ang damdamin ko sa kanyang kwento. Lalo na at kaedad ko sya at halos pareho ang pangarap namin at naabot sa buhay. Personal kong hiningi ang kanyang kwento. Katulong ang kanyang mga luha sa pagbabahagi ng kanyang karanasan, maigi ko syang naunawaan..."


Ako si Lila, 23 taong gulang. Biktima ng kasinungalingan at kawalanghiyaan ng isang taong halos sumira sa buo kong pagkatao. Magulo? Ipapaliwanag ko...

Nahihilo na ko nun sa dilim ng paligid ng campus, sa tumatagaktak kong pawis at sa sintido kong masakit na walang humpay sa pagpintig ng malakas. Gusto ko ng umuwi para makapagpahinga. Pero 30 minuto pang kailangan magmartsa, tigil, martsa. masisira na ata ulo ko habang nakapila sa pang huling tilap. Hindi ko na naintindihan ang announcement ng leader mas sabik ako sa pag uwi. Sabik na kong lasapin ang malambot at malamig na kama, pagud na pagod na ko. Masaya akong nagmano sa nanay ko pero pag dating sa tatay ko indi nya inabot ang kamay nya para bendisyunan ako. "Bat ngayon ka lang umuwi? Nakipaglaplapan ka lang sa sinehan no?!"@#! Hindi ko alam kung bakit nagkaganon, tandang tanda ko namang nagpaalam ako sa kanila nang maayos na gagabihin ako dahil sa girlscout. "Hindi po.." magalang kong sagot. " Sinungaling! Walang uuwi ng ganitong oras dahil ginabi sa klase! Nakipaglaplapan ka lang! Tingnan mo yang labi mo namumula!" Ako ang namula sa sobrang kahihiyan. Sigawan ka ba naman at paratangan ng isang bagay na ni sa hinagap ay di mo naisip gawin. Alam ko ang tama sa mali, alam kong mali ang makipaghalikan lalo na at wala akong boyfriend! Hindi ko alam kung san nakuha ni tatay ang mga dakila nyang pangitain. Dahil na rin sa sakit ng ulo at pagod wala ako sa mood para magtimpi ng hinanakit. Pagalit at pasigaw kong ipinagtanggol ang sarili ko kasabay ng pagpapalipad ko ng mga dala kong gamit. Namalayan ko na lang na patakbo na kong humahagulgol papunta sa kwarto ni lola. Niyakap ako ni lola at pinatahan. Dun na rin ata ko nakatulog sa tabi nya sa sobrang sama ng loob ko ng gabing iyon.

Isang gabi, nagising ako sa pangyayaring 'di ko inaasahan. Sa gitna ng kahimbingan, nakaramdam ako ng bahagyang lamig sa bandang hita ko. Nang maalimpungatan ako't dumilat. Nandon si Tatay sa tabi ko. Hindi ko alam kung bakit. Pagkatapos non kinumutan nya ko at agad siyang umalis. Tama ka, may pagdududa akong nabuo sa isipan ko. Ewan ko kung impaktita lang talaga ko para mag-isip ng ganun o magparatang sa tatay ko, at dahil sa bata pa ko noon natakot akong magsalita o gumawa ng hakahaka.

Second year highschool ako nung mapasama ako sa banda. Ako ang gitarista. At dahil sa mga praktis di ko maikakailang hating gabi na ko umuwi. Tinatagan ko na ang loob ko at hinanda ko na ang sarili ko sa anumang paratang na maaari kong marinig. Tulad ng inaasahan masasakit na mga salita ang sunud-sunod na sumasampal sakin, tagos sa kaluluwa.

Nagtataka ako kung bakit... Ano ba ang maaaring mangyari pag ginabi ako ng uwi? Mapahamak sa kalsada? Mapagtripan sa madilim na eskenita? Gahasain ng mga kalalakihang noon ko lamang nakita? Kung minsan naisip ko, mas mainam na nga sigurong mangyari ano man sa mga nabanggit. Atleast may dahilan ako para masaktan, para umiyak para tanggapin ang mga masasakit na salita. Sabi ni Tatay pangit sa babae ang hating gabi umuwi, para daw akong babaeng mababa ang lipad. Pero naisip ko buti nga sila mababa ang lipad, ako, kalapating di makalipad-lipad.

Tulad ng kinakatakutan ko nangyari nanaman ang dating binaon ko na sa limot. Tanghaling tapat pa naman... Dahil sa init ng katanghalian umuwi akong masakit ang ulo. At dahil siguro sa labis na pagod, nakatulog ako. Muli, naalimpungatan ako sa kakaibang bigat sa tapat ng maselang bahagi ng katawan ko sa babang parte. Hindi ako agad dumilat, dahan dahan akong sumilip upang mapatunayan ko sa sarili ko. Kagimbal-gimbal mapatunayang hindi nga ako nananaginip at lalong hindi ako gumagawa ng hakahaka. Si Tatay ang demonyong akala ko ay nasa panaginip ko lang. Patay-malisya ako dahil sa takot at kahihiyan. Pero ang loob ko ay nagpupuyos, gustong sumigaw, magalit at ipagtanggol ang sarili. Isang bagay lang ang alam kong makakapagpatigil sa kanya...Nag-inat ako para ipaalam sa kanyang gising na ako. Dama kong nataranta siya...Katulad ng nakagawian, kunway may lamok na nakadapo sakin at pinatay nya. Tuluyan akong dumilat. "Nilalamok ka na ah..di mo ba nararamdaman?" Gusto kong isigaw sa kanyang "Walang lamok Tay, demonyo meron! meron!" Pag alis nya ng kwarto, di ko napigilang humagulgol. Marahil iisipin ng ibang wala namang nangyari, napaka OA ko ba? HINDI!!! Isa yung napakasamang bangungot lalo na sa isang dalagitang tulad ko.

Pag umaga, kahit sa eskwela nawawala ako sa sarili pag naaalala ko ang kahayupang yon. Alam kong hindi normal ang karanasang iyon para sa mga kaedad ko. Sa madaling sabi maaaring 1 sa 10 kabataan lamang ang nakakaranas ng ganoon. Bakit ako pa? Akala ko mabait ang tatay ko. Akala ko nagaglit siya dahil mahal lang niya ako. Hindi pala. Hindi na pagmamahal ng isang ama ang nakikita ko. Isa na iyong pagsasamantala.

Isang araw nakahanap ako ng tiyempo para magsumbong. Dahil laging wala ang nanay at tatay ko pag umaga, tanging si lolo at lola lang ay nagkalakas loob ako para lumapit sa lola ko.
Naabutan ko siyang may hinahanap sa sahig
"La, may ginagawa ka ba? May sasabihin kasi ako eh."
" Wala naman, ay teka nga pakihanap mo nga muna, yung gamot ko gumulong eh."
"Anong kulay la? Para san ba yun?"
"Naninikip dibdib ko, gamot ko sa puso. Hanapin mo sayang."

Gamot sa puso? Naninikip ang dibdib? Mali pala ang tyempo ko. Pano ko magsusumbong sa kanya? Pano kung atakihin sya at may mangyaring masama, kakayanin ko ba?
"Eto la."
"Ano nga palang sasabihin mo?"
"Ah, wala La, kakayuko ko nakalimutan ko tuloy..hehe"
Tumalikod na ko. Malabong makapagsumbong ako.

Lumipas ang mga araw hindi na iyon naulit. Laking pasasalamat ko.


Maingay ang paligid. Tunog ng gitara, organ at drums na naghahalinhinan... Paulit-ulit.
"Isa pa!" sigaw ni Edward. Wala sa sarili yung isa, hindi tayo matatapos nyan.
"Uy! kanina ka pa alam mo muka ka ng timang." si Jhun.
"Ako ba?"
Iling lang ang tinugon sakin ng iba.
Malapit na nga pala ang laban namin. Pero parang lutang lang ako. Uuwi nanaman kasi ako ng hatinggabi. Parang nakikinikinita ko na ang mga susunod na mangyayari...

Pag uwi ko ng bahay wala na atang gising. Patay na lahat ng ilaw sa sala. Dahan dahan kong pinihit ang senadura. Nakalock! Maya maya'y dahan dahang bumukas ang pinto. Hindi pala makatulog si lola dahil wala pa ko. Pagkamano ko sa kanya ay pinapanik na nya ko. Salamat sa Diyos at di kami nagkita ni tatay.




----------pasensya na...ginagawa pa -------------

Bakanteng Silid

Isa... Dalawa... Tatlo... Samutsaring mga paksa ang mabilis at walang pasintabing pumapasok sa isip ko, damdamin kaya? Mga estudyante? Ang mismong pamantasan kaya? Ah! Masyadong simple, masyadong natural. Lumabas ako mag-isa ng silid-aralan, 'di tiyak kung saan ako dadalhin ng aking mga paa. Anong paksa kaya ang isusulat ko? Anong paksa? Ano nga kaya?

Room 307... Dito ako humantong sa walang humpay kong paglalakad. Walang tao. Tahimik ang silid, nakatatakot, nakalulungkot. Ngunit minabuti kong pumasok at pinagmasdan ko ang kaabahan ng silid. Kung baga sa tao, nakaaawa, mag-isa at napakatahimik. Sinuri ko ang bawat sulok ng abang silid. May ilang kalat, mga lukos ng papel, mga piraso ng yeso sa sahig at kapansin-pansin ang malinis na pisara. Malinis sa sulat ngunit hindi pinaligtas ng mga bakas ng naiwang mga scotchtape. Ganun-ganon na lamang pala iniiwan ang isang silid matapos na gamitin. Hindi rin nakalagpas sa paningin ko ang basag na bintana. Kung tutuusin hindi lamang iisang bintana ang walang salamin, dalawa, tatlo nga 'ata. Ang mga upuan nama'y medyo maayos pa ang pagkakahanay. Tumayo ako sa harap, sa gitna ng silid malapit sa lamesa. Muli akong nagpalinga-linga. Tila nakikita ko ang aking mga kamag-aral na mga nakaupo sa bawat silya. May nagsusulat, nagdadaldalan, may nakatingin sa akin at may nakangiti. Tila naririnig ko pa ang hiyawan, tawanan at mga bulungan nila. Tama, mga sariwang alaala na lamang. Mga alaala ng nakalipas. Ang silid na ito ay ginamit na rin namin. Saksi ang silid na ito sa aming mga tawanan, kwentuhan, iyakan... alam ng silid na ito ang aming mga pinagsamahan. 'Di ako natinag sa aking pagkakatayo sa gitna ng silid, sa tapat ko, sa may gawing bintana ay may malaking salamin. Hindi ko alam kung ano ang ginagawa ng salamin doon at kung para saan. Tiloa iniwan na lamang at isinandal sa gawi na 'yon. Nakikita ko ang malinaw kong repleksyon sa salamin. Isa pa rin akong estudyante tulad ng pagkakakilala sa akin ng silid na ito, ngumiti ako, parang may sira ng tuktok... isang ngiting mapait. Pasasaan pa nga ba at darating ang panahong hindi lamang ang silid na ito ang aming iiwan, kundi ang buong pamantasan.

Sa bintana pumako ang tingin ko. Ang ganda ng langit! Napakagandang tingnan mula sa madilim-dilim na silid na kinaroroonan ko. Sa malayo, natanaw ko ang ilang ibong malayang lumilipad sa himpapawid, tila ako isang bilanggong nagnanasa ng kalayaan. Bilanggo ng silid na iyon, bilanggo ng maraming alaala. Darating ang araw na magiging ganap na guro na ako, mailalathala rin ang mga tulang sinusulat ko. Dito, dito ako magsisimula ngunit sisiguraduhin kong hindi rito matatapos sa silid na ito. Igapos man ako ng silid na iyon, igapos man ako sa lupang kinasasadlakan ko ngaun... Tanaw ko pa rin ang langit!

Sunday, March 1, 2009

HUWAD

Mahirap maglakad sa may labasan
May mga mapanuring tingin
Susukatin nila ang katauhan mo't kaluluwa.
Mapalad ka kung dadapo'y papuri
Na 'di matutulad sa mga hilig nilang dustain.
Matiwasay kang naglalakad
Ngunit sa kaalaman mo'y lingid
Binabato ka na pala ng mga panlalait.
At sa susunod pa na mga araw
Kanila kang ngingitian
Ikaw naman, kapagdaka'y magdadalawang-isip
Tunay nga ba o huwad lamang
Mga magagandang maskarang burak ang laman!